Panggagago ng Isang Gago

Oo, inaamin ko. May mga kagaguhan akong nalalaman. Pilyo ako e. Eh ano ngayon. Wala akong pakialam. At mas lalo ka na dapat. Hindi naman ako nabubuhay, para i-  please ka eh. Nabubuhay ako para magmahal, mag- aral, magsulat, magbasa, kumanta ng Lupang Hinirang, mag- Facebook, mag blog ng kung anu- ano, kumain ng Ding- dong Mix Nuts, mag unlitext at unlicall, magbrush ng ipin, magkulangot, tumae, magtanggal ng libag pag naliligo at kung anu- ano pa man. Gaya ng nasabi ko na, hindi ako nabuhay at hinding hindi ako mabubuhay para lamang  i- please kita. Iba ang iyong pananaw sa aking pananaw. Kaya nga magkaiba tayo ng pangalan dahil sa iba rin naman ang pagtingin mo sa buhay. Reklamo? Kung meron, mag- comment ka na lang sa dulo. Masasayahan ako pag ginawa mo ‘yun.

Paano nga ba ako naging gago? Aba, ewan ko. Basta pagkagising ko na lang isang araw habang nagtitiklop ako ng kumot na kulay maroon, na- realize ko na lamang na gago pala ako. Marahil dala rin ito ng kadalasang pagsermon sa akin dahil nga sa pagiging gago ko. Huh! Lumabo tuloy. Basta gago daw ako.  At ganun na din ata tingin ko sa sarili ko.

Ikaw! Oo, ikaw na nagbabasa. Ano sa tinign mo? Gago ba ako? Kung oo, okey na okey ‘yan. Gusto mo ipagluto pa kita ng overcooked na Pancit Canton na Chilli Flavor na may kasamang bottomless ice tea o kaya’y tubig na lang para tipid. Parte yan nag pagiging gago ko, ang maging kuripot. Kung sa tingin mo naman eh hindi ako gago, salamat din. Marahil nauunawan mo ako dahil binabasa mo nang maiigi ang post na ito. Reading between the lines ika nga.

Marahil natatawa ka na sa akin ngayon dahil ipinangangalandakan kong gago ako. At baka marahil naiinis ka na dahil sa Pancit Canton at tubig lang ang kaya kong ipalamon sayo dahil sa ang tingin mo ay gago ako. Sino nga ba naman kasi ang aaming gago siya. Sino ba naman kasi ang aako sa mga kagaguhang pinaggagawa niya sa kanyang sarili at sa mga taong nakapaligid sa kanya. Meron siguro. Pero hindi lahat ng taong gago simula pa lamang nang magkaisip sila ay aminadong gago nga sila. Mas mabuti na ‘tong aminado akong gago ako kaysa sa nagpapakabanal banalan na parang santo na hindi makabasag ng pinggan.

Para mabigyang linaw ang lahat, narito ang ilang mabababaw at seryosong kagaguhang aking nagawa at marahil gagawin pa ulit ‘pag may pagkakataon. Paalala. Mabababaw lamang ang ilan. Nasa iyo kung lalaliman mo pa ito at bibigyan ng iba pang kahulugan. Ikaw din, baka magmukha kang gago niyan pag binigyan mo pa ng ibang kahulugan ang lahat.

Isa akong klase ng tao na mahilig mag bale- wala ng mga bagay- bagay. Madalas ko itong gawin kahit alam ko sa sarili ko na importanteng bagay ang mga ito na dapat pagtuunan ng masinsinang pansin at hindi dapat ipagsawalang bahala. Minsan, mas pinagkaka- abalahan ko pa ang mga walang kwentang bagay kaysa sa pagtupad ng mga tungkuling ipinagkatiwala sa akin. Naaalala ko nga nung high school pa ako na kung saan ako dapat ang isa sa mga members sa team na lalaban para sa isang prestihiyosong patimpalak sa sinseya na hindi ko na babanggitin kung ano ang patimpalak na ito para maprotektahan ang pangalan nito. Dahil sa pagsawawalang bahala ko sa obligasyong inialay sa akin, pinalitan nila ako. Pero ayos lang ‘yun sapagkat kabarkada ko naman ‘yung pinalit nila sa akin. Sa pagtatapos ng araw, sinisisi ko ang sarili ko dahil sa kabiguan kong gampanan ang nararapat kong gawin. 

Oo. Mapagpuna akong tao. Hindi man lagi pero madalas. Madalas kong pinupuna ang mga kamalian ng mga taong nakapaligid sa akin. Masama mang isipin pero heto ako eh. Marahil naging parte na ng aking sistema ang mamuna ng mga bagay- bagay. Matatandaang labis kong pinuna sa aking column sa aming pampaaralang pahayagan ang mga iregularidad sa buhay na aking napapansin sa aking kapaligiran na maging sa blog kong Emcee’s Mindset ay nai- post ko na din. Marahil maraming nagalit o natuwa sa sinulat ko pero anuman ang kanilang sabihin, hindi ko binabawi ang lahat.

Maraming nagsasabi na mayabang ako. Hindi ko rin naman sila masisisi sapagkat iyon naman ang katotohanan. Mas okay nang ganito kaysa sa nagpapaka- humble humble ka pa kung sa loob loob mo naman eh isa kang hambog. Natatandaan ko nga kung paano napaaway ang pinsan kong babae sa high school batchmate namin dahil sa wall post ko sa Facebook na ayon sa ka batch naming ito ay mayabang daw. Ang sa amin lang naman eh kahit magmayabang ka, basta ba may maipagmamayabang ka, diba? Huh! Wala ako masyado masasabi dito. Baka mas lalo lang lumabas ang kayabangang nakakubli sa aking hypothalamus<hehehe, ba?=”” doc=”” tama=””>.

Mahilig din akong magbiro ng kung anu ano. Madalas kong ginu- good time ang mga classmates ko na kung minsan ay halos ‘di nila ako pinapansin dahil dito. Naalala ko nga nung biniro ko sila through text message na nadisgrasya ako. Pinalabas kong 50: 50 ang aking kalagayan dahil sa mga natamo kong sugat at galos at dahil na din sa lakas ng impact ng disgrasya. Halos sumakit ang tiyan ko sa katatawa noon dahil sa mga replies nila sa ‘imaginary concerned citizen’ na walang iba kundi ako lang din naman. Mabuti at inamin ko din agad at kung hindi, mapapasugod na sana sila sa hospital nang wala sa oras. Hehehe, peace classmates.

Gawain ko din ang mangupit. Karamihan naman siguro sa atin eh naranasan nang gawin ito. Hindi naman natin makakaila na ganito ang Pinoy. Kung tutol ka, usap tayo. Nadadaan naman yan sa ‘maboteng’ usapan eh. Kung sang- ayon ka naman, mabuti ‘yan. Indikasyon ‘yan ng pagkakaroon mo ng liberal na pag- iisip na handang tanggapin ang anumang sermon at puna na maaaring ibato sayo ng nanay mo na walang ginawa maghapon kundi pumutak nang pumutak dahil sa pangungupit mo ng pera na dapat sana eh pambili niya ng Maxi Peel para magkaroon siya ng kutis artista.

Gaya ng nasabi ko, isa akong mangungupit. Madalas kong kupitan ang lola kong nagpalaki sa akin ng mahigit sampung taon tuwing lalabas o pumupunta ako ng paaralan. Maski nga pang- load ng cellphone para makapag- Unlicombo (24 hours text messaging + 10pm- 5pm calls to TM and Globe susbscribers) o Astigcombo (24 hours text messaging + 100 minutes calls to TM and Globe susbscribers) ay kinikupit ko pa (libreng extra promotion) . Kung walang nakupit, meron naman ang Astigtxt10 (24 hours text messaging nga lang) na minsan eh pahirapan pang mag- register. Para ngang napakadami niyang nagawang kasalanan dahil sa paulit- ulit na reply ng “Sorry”. At dahil diyan, tatawag ako sa Customer Service Representative na walang hiniling kundi i- off ang loudspeaker ng cellphone dahil hindi niya ako maintindihan kahit hindi naman ito naka- loudspeaker. Hhhhmmm. At dahil nga likas ang aking kapilyuhan, hihingin ko ang kanyang e- mail address sa Facebook para maging friends kami gaya din ng paghingi niya sa contact number ko tuwing tatawag ako sa kanila para ‘quits’ ika nga.

Naiinis ako sa mga computer units na mayat- maya eh nagha- hang o nagla- log. Mas mag-iinit pa ang aking butsi kapag hindi ko pa nai- save ang ginagawa ko sa Microsoft Word. Ayan, Ctrl + S muna. Baka mainis pa ‘tong computer na ginagamit ko. Pero mas lalo pa akong maiinis kapag wala o napakabagal ng Internet Connection. Siguro napakarami niyang problema dahil sa palagiang “Problem Loading Page” ang nagpapakita. Kung minsan “Offline Mode ” nga eh. Kaya ‘pag, nagkaganoon, nagbu- bookmark na lang ako ng websites na hindi ko pa na- surf dahil nga sa walang connection. Ngunit subalit datapwat, mas nakakapang- init ng ulo kapag ang computer na gamit ko eh naka- Deep Freeze na kung ito ay na- off na, mawawala ang lahat ng nagawa mo. Hay! Kawawang bata. Back to zero ulit.

Kaya ‘pag nagkaganon, halos isumpa ko na ang computer dahil sa pagka- inis. Hindi ko napipigilan ang sarili kong magsalita ng masama at naka- iiritang hinaing. Wala na akong ginawa kundi mag- restart nang mag- restart hanggang sa ako din ang mapagod at sumuko. At dahil diyan, pagti- tripan ko na lang na pindut- pindutin ang keyboard. Minsan ‘pag ayos na ito, para makapaghiganti, pinapalitan ko na lang ang Wallpaper nito kahit pa meron ng nakalagay na paalala na bawal magpalit ng kung anu- anong Display Properties ng computer. Hay naku, tama na nga tong pambubuking ko sa sarili ko. Peace Sirs at Mesdames. Hehehe.

Madalas akong pinapagalitan sa bahay hindi dahil sa bagsak ang aking mga grado kundi dahil sa ugali kong tanghali na kung gumising. Tirik na ang araw pero himbing na himbing pa rin ako sa aking pagkakatulog. Hindi ko na din iniinda kahit maalinsangan na basta mabusog lang ako sa tulog. Puyat man o hindi, palagi akong ganito depende lamang kung may importanteng bagay akong lalakarin. Hindi na tuloy ako nakakapagtrabaho sa bahay dahil dito na siya rin namang dahilan kung bakit ako pinapuputukan ng mala- armalite na sermon. Minsan ‘pag nairita na ang tenga ko, magdadabog na lang ako na siya rin namang dahilan para paulanan ako ng mas maraming bala ng sermon.

Marahil ang suot- suot ko ngayon na damit ay kulay orange na may tatak na “P” sa likod kung sakaling natuluyan ang isang kaklase ko nung high school pa ako. Marahil sa bilangguan ang bagsak ko ngayon o ‘di kaya’y DSWD ang may kalinga sa akin. Salamat sa Diyos at hindi ako tuluyang naging mamamatay tao. Mamamatay tao hindi dahil sa nabahiran ng dugo ang aking mga kamay kundi dahil sa kagaguhan kong mangsindak o manggulat. Naaalala ko nga kung paano halos mamatay sa nerbiyos ang isa sa mga kaklase kong babae na malapit din naman sa akin. Nagsimula ang kagaguhan kong ito nung 3rd Year High School ako.

Sa aking pagkakaalala, katatapos lang noon ng dula- dulaan namin sa Araling Panlipunan. At dahil ang topic namin noon ay mga dinastiya at mga kaharian noong mga araw pa, mga kumot ang isa sa mga naging props namin. Dahil sa hinihintay pa namin ang aming susunod na klase, inaya ko ang isa sa mga kaklase kong kabarkada ko din na mang- good time. Sinabi ko sa kanya na magtago siya sa may cabinet habang nakatalukbong siya ng kumot at gugulatin namin ang kung sinuman ang aming mapagtripan. Dahil sa ang una kong nasalubong ay ang kaklase kong babae na may sakit pala sa puso na hindi ko naman alam, siya ang aking napagtripan. Sinabi ko sa kanya na may pinakukuha ang Teacher Unknown namin sa kanyang cabinet. At dahil nga nag- asta akong seryoso, napaniwala ko siya. Pagbukas na pagbukas niya ng cabinet, isang nakakagimbal na ’halimaw sa cabinet kuno’ ang bumungad sa kanya. Ang mga sumunod na pangyayari, hindi ko na maalala dahil sa nerbiyos na dulot ng pagkakahimatay ng kaklase kong ito. Ang tanging natatandaan ko na lang ay ang 50 counts na pumping na ginawa namin ng kapwa loko- lokong kasabwat ko.

Talagang hindi pa ako nadala sa nangyari dahil inulit ko pa ito pagtungtong namin ng 4th Year High School. Pareho pa rin ang aking biktima subalit wala na akong kasabwat. Natakot na akong may madamay pa sa kagaguhan ko. Recess nuon.­­ Dahil sa ako’y naji-jingle sa mga oras na ‘yun, nag- CR muna ako. Sakto namang magsi- CR din ang aking biktima. Dahil sa una akong natapos sa kanya at saktong nakabukas din ang main door sa CR ng mga babae, ibinalibag ko ito. Napalakas ata ako ng pagkabalibag na naging sanhi ng pagkakagulat ng kaklase kong ito. Sa ‘di malamang dahilan, bigla akong kinabahan dahil sa hindi naman na siya lumalabas. Dahil sa takot, walang atubili kong pinasok ang CR ng mga babae at dun ko natunghayan kung paano habulin ng aking classmate ang kanyang hininga. Nangangatog man ang aking mga paa, dali- dali ko siyang inilabas mula sa CR para siya’y mahanginan. Kahit nanghihina pa rin siya dahil sa nangyari, salamat pa rin sa Diyos at nakahinga din siya nang maluwag makalipas ng ilang minuto. Sa ngayon, paminsan- minsan ko na lang siyang nakikita. Kung sakaling magkita man kami ulit, hindi ko na siya gugulatin kahit pa gaano ako kagago. Ayokong may mamatay nang dahil sa kagaguhan ko. Pangako.

Likas talaga ang aking kagaguhan na maging ang aking utot ay pinaaamoy ko sa kung sinuman ang mapagtripan kong lokohin. Bastos mang maituturing, nakagawian ko nang umutot kahit nakaharap ako sa kanila. Minsan nga tinatakpan ko ang labasan ng mabahong hangin na ‘to ng aking kamay at tinututok sa kanilang ilong. At dahil dito, isang nakakahawang halakhak ang aalingawngaw. Pero, inilulugar ko rin naman ito. Ginagawa ko lang ang kagaguhang ‘to kapag ang mga kaharap ko ay ang mga taong walang kiyeme sa katawan at mga taong pareho ang aming pag- iisip at pananaw sa buhay.

Sa kabila ng lahat, sinisikap ko pa ring bumawi sa lahat ng kagaguhang ito. Gago man akong maituturing ngunit alam ko sa sarili ko na may kabutihan pa ring nananalaytay sa dugong inilalabas ng aking puso na dumadaloy sa aking mga ugat. Utusan man ako ng aking isip na maging gago subalit pipilitin ko itong iwasan sa abot ng aking makakaya. Self- control at self- discipline ika nga.

Dalawampung taon na ako at patuloy pa ring tumatanda. Kaya ko pang ituwid ang baluktot na landas gaya ng sinasabi ng ilang matutuwid na tao sa lipunan. Kasabay nito, marami pang mga bagay ang maaaring mangyari. Marami pang kagaguhan ang pwede kong gawin. Marami pang kabutihan ang maaari kong iaalay. Marami pang buhay ang maaari kong guluhin at baguhin. Marami pa akong pwedeng mahalin. Marami pa ang pwede kong mapag- aralan higit pa sa mga napag- aralan ko na sa mahigit labing- apat na taon ko sa eskwela (kasama na ang Kindergarten). Marami pa akong maisusulat. Marami pang libro ang maari kong mabasa. Marami pang kanta ang magpapatayo ng aking balahibo o makapagpapa- head bang sa akin. Marami pa ang maaaring maging friends ko sa Facebook. Marami pa akong kakaining kornik at nuts. Marami pa akong mailo- load para sa unlitext at unlicall. Marami pang toothpaste ang magagasta. Marami pang dumi sa katawan ang mailalabas.

Marami pang mga bagay ang maaari kong balewalain. Marami pa akong mapupuna. Marami pa akong maaaring maipagmayabang. Marami pa akong mabibiro at magu- good time. Marami pa akong makukupit. Marami pa akong pwedeng kausapin at bolahin na Customer Service Representative. Marami pang akong maa- alter na Computer Display Properties. Marami pang laway ang tutulo sa aking pagtulog. Marami ang pwede kong sindakin.  Marami pang makakaamoy ng aking utot.

Oo, marami pa. Marami pa akong mababago at magagago.

Ngunit, hindi dadami ang mga taong kailangan kong i- please. #

~ Para sa iniidolo kong si Bob Ong ~